seal

seal

October 25, 2011

Isang Kwento ng Pag-ibig

ISANG KUWENTO NG PAG-IBIG
-Moctar Al-tasser

DAHIL araw ngayon ni San Valentino, ikukuwento ko sa inyo ang kuwento ng pag-ibig nina Pepe at Fe.

Panahon ng Hapon nang magtagpo si Pepe at si Fe. Nagkakilala sila sa Mindanao, bagamat pareho silang hindi tagaroon. Si Pepe ay ipinanganak at lumaki sa Salangsang sa Sultan Kudarat.Si Fe ay tubong Pateros, na noon ay bahagi ng lalawigan ng Rizal, sa Luzon. Nagkataon lang na pareho silang inabot ng giyera sa Mindanao.

Nang magkakilala sila, si Pepe ay isang gerilya, kabilang sa USAFFE (United States Armed Forces in the Far East), samantalang si Fe ay isang guro, kabilang sa mga pinapag-aral ng Nippongo para ituro iyon sa mga batang Pilipino.

Ang ama ni Fe, si Agapito Flores, ay isang provincial auditor na kung saan-saan nadedestino. Nang sakupin ng mga Hapones ang Pilipinas, si Agapito at ang kanyang pamilya ay nasa, Taguisa,Lebak Sultan kudarat

Isang tapat na tapagpaglingkod sa serbisyo sibil si Agapito. Nagsilbi siya sa gobyerno ng Komonwelt noong panahon ng Amerikano, at ipinagpatuloy niya ang pagsisilbi sa gobyerno nang itatag ng mga puwersang Hapones ang papet na republika.

Nang itaboy ng USAFFE ang mga Hapones mula sa Keytodac, kabilang si Agapito sa mga pinaghihinalaang kolaboreytor na hinuli ng mga gerilya at dinitine sa kalapit na barangay ng Ampad Guiabar. Dinitine rin ang anak niyang si Boni, pagkat nagtrabaho ito sa post office.

Noong Enero 4, 1945, ang gurong si Fe naman ay “magalang na inimbita” ng mga gerilya na pumunta sa Talakag. Siyempre, kung may baril ang mag-iimbita, mahirap tumanggi. Sa kabutihang-palad, kilala ni Fe ang gerilyang inasayn na gumawa ng interogasyon—si Tenyente Federico Ablan, prinsipal ng isang eskuwelahan bago nagkagiyera. Dati itong detenido sa concentration camp ng mga Hapones sa Keytodac. Doon, nadadalaw siya ni Fe bilang presidente ng Children of Mary, isang grupong nagdadala ng pagkain at sigarilyo sa mga bilanggo ng digmaan.

Naalala ito ni Ablan. Napag-alaman din niya na kinausap ni Fe ang mga Hapones para iligtas sa detensiyon ang isang kasamahang titser.

Dahil dito, sa halip na ilagay sa lugar ng detensiyon ay pinatira si Fe sa isang cottage na malapit sa opisina ni Ablan. Hinayaan din si Fe na malayang gumala sa loob ng kampong gerilya.

Isang araw, isinama si Fe ng anak ng may-ari ng cottage sa sabungan. Doon siya unang nakita ni Pepe. Isa ring tenyente si Pepe, kasamahan ni Ablan sa intelligence unit.

Noong Enero 8, 1945, tumanggap si Fe ng pormal na imbitasyon sa isang party. Si Pepe ang nag-imbita. Pumunta naman si Fe. Nagulat na lamang siya nang malamang siya lang pala ang panauhin.

Pagkaraan ng ilang araw, inimbita na naman ni Pepe si Fe na sumama sa pagdalaw sa kanyang mga tauhan. Napansin ni Fe na “naglulundagan sa tuwa” ang mga sundalo nang makita nila si Pepe. Pauwi, sa mga bukirin ng Talakag, nagtapat si Pepe kay Fe at nagyayang magpakasal. Noon ay malapit nang tumuntong si Fe ng 29 anyos—matandang dalaga na sa pamantayan ng panahong iyon. Si Pepe ay nakababata nang isang taon at apat na buwan.

Pagkaraan ng dalawang araw, dalawang gerilya ang dumating para arestuhin si Fe at dalhin ito sa lugar na kinabibilangguan ng kanyang ama at kapatid. Sinabi ni Pepe na hindi nila puwedeng arestuhin si Fe dahil nakatakda na silang pakasal.

Ikinasal nga sila ng isang paring gerilya noong Pebrero 4, 1945, sa Tran. Lumipat sila sa Keytodac nang bumalik ang kasarinlan ng Pilipinas.

Pagkaraan ng eksaktong siyam na buwan, ipinanganak ako, ang panganay nina Fe Flores at Pepe Lacaba. Lima pang anak ang isinilang sa sumunod na siyam na taon.

No comments:

Post a Comment