Ang Hiwaga ng Salitang Laruan
Ni Marvin Ric Mendoza
Ang laruan,bagaman isang salitang ang kahulugan ay batay lamang sa nakikita ng mga musmos,ang dalang hiwaga sa daigdig ng kaligayahan,katuwaan,at maging kalungkutan ay kakaiba.
Sa mga batang ang isipa’y sabik pa sa kahulugan ng kaligayahan,ang laruan ay tunay na simbolo ng kayamanan at pagmamahal ng magulang.
Ang mga taong halos gumagapang na sa karalitaan,sila’y itinuturing na pinaglaruan at pinagkaitan ng kapalaran.
Ang mga taong maningning na mga tala na kumikinang at iniidolo ng marami ay karaniwang pinaglalaruan ng tadhana.
Ang mga buhay na nasawi at naglaho sa karimlan ay bunga ng pag-ibig at pag-asang ginawang laruan.
Oo…ang laruan…sa lahat ng buhay ay may taglay na kahulugan.Mayaman man at mahirap ay sumasalamin sa kasaganaan ng mundo at larawan ng isang laruan na nilikha upang danasin ang ligaya,lungkot at pagdurusa.
A,ang laruan,salitang sadya ngang kayhiwaga.
(Lhok sa SBA year3 sa Kategoryang blog freestyle)
Dramang Buhay- Estudyante
ni Gabrielle Norbe
Sa pagmulat ng umaga
Ay ang pagmulat din ng kapalaran.
Sa isang taong nagmimithing maging bulaklak,
Sa isang harding napakalawak.
Lingid sa kaalaman ng iba,
Mabato din ang landas naming tatahakin.
Di lahat ng maapakan ay damuhan,
Kung hindi ay may putik ding aapakan.
Mabuti na sana kung pagsusulit lang
Ngunit andiyan pa ang lintik na babayaran.
Talagang matutuyot ang rosas sa hardin
Sa kamahalan ng tubig na ipandidilig.
Sa mga guro ko na hindi nakakaunawa,
Hindi lahat ng lupa ay mataba
Meron ding naghihikahos, Meron ding nanunuyot
Sana naman alam ninyo ang hirap na ‘yong dulot.
Sa paglubog ng araw ay aking napansin,
Dumi sa uniporme ay ‘di dulot ng putik.
Kundi ito’y dulot ng aking pawis,
At sa pagsibol ng araw, ay ang pagsibol ng panibagong drama.
Ang Himno
ng Lebak
ni Anak-pawis
“Aawitin na lang natin ang Himno ng Lebak bilang pagpaparangal kay Maam Celistina Bautista”,ang panapos na pangungusap ni Ms. Marte habang kausap ang tagapamuno ng palatuntunan na si G. Baroc.
“Tama,karangalan niya iyon pagkat siya ang lumikha ng ating pambayang awitin.”
At habang humahaba ang usapan ,nakikinig naman si Rico na ng mga panahong iyon ay nag-aayos ng mga klaskards sa kantina.Si Rico ay isang estudyante sa kolehiyo.
Si Rico ay hindi umimik sa kanyang narinig gayong may nais siyang itanong. Dala iyon marahil ng kanyang mapang-usisang isip na tinatakpan ng kanyang hiya.Pinigil niya ang kanyang sarili na magtanong. Kung sa bagay, hindi nga talaga madaling magtanong lalo na kung maraming bagay ang sumisibol sa iyong kaisipan ng sabay-sabay.
Tinapos niya ang kanyang gawain ng hindi niya namalayan. Agad siyang nagpaalam sa kanyang guro.Nang makalabas na sa kantina,ang isip niya ay may nais ulit-uliting itanong.Sinusuyod niya ng tingin ang kanyang mga hakbang.Isa,dalawa,tatlo hanggang isandaan at siya’y nakarating sa kanilang munting tahanan.Umupo siya sa isang kalawanging silyang bakal banda sa may bintana kung saan niya natatanaw ang mga taong pahayo’t parito,mga sasakyan,gayundin ang mga ibon sa himpapawid,ang alapaap,ang bughaw na langit at natatanaw niya rin ang kaytaas na bundok at kayrikit na bukid.At bahagyang nag-iba ang kanyang paningin sa mga bagay na unti-unting napapalitan ng anyo.
“Kailangan ninyong imemorize ang ating pambayang awitin”,ani Maam Fullo, ang kanilang guro sa Filipino sa Ikaanim na baiting.
“Alam po naming iyan Maam.Bakit po,lalabas ba ‘yan sa exam?,ang tanong ng isang mag-aaral.
“Maaari,subalit hindi dahil doon kundi dahil nais kong awitin niyo ito sa pagdiriwang ng foundation day ng ating bayan.”
At dahil likas sa mga mag-aaral ang palatanong…
“Maam,inaawit natin iyan,alam natin ang bawat salita,alam natin ang tono,pero marahil ikaw alam niyo po kung sino ang nagcompose pero kami,hindi”,ang tanong ng pinakamatalino sa klase.
“Ah ganoon ba.Tanungin ninyo si Rico at tinitiyak kong alam niya iyon.”
Nang magkagayon, tiningnan ng guro si Rico ngunit wala siyang kibo.Nakakunot ang kanyang noo at wari’y nagtataka sa sinabi ng guro na alam niya gayong hindi naman sa totoo.Ang pugad ng kanyang gunita’y walang laman,walang lamang kaalaman tungkol sa bagay na isinasangguni ng kanyang mga kaklase.Ang tanging laman niyon ay isang katanungan.At dahil nais niyang malaman ang kasagutan,naglakas-loob siyang nagtanong. “Sino po pala Maam?”
“Naku hindi niyo ba alam na tatlo ang may malaking bahagi sa pagkabuo ng awit na Mabuhay Ka,Lebak?Ang isa ay si Gng. Celistina Bautista.Siya ay isang napakahusay na guro lalong-lalo na sa larangan ng Musika.Una niyang binuo ang awit sa Wikang Ingles subalit nangailangan iyon ng pagsasalin.Isinalin niya ang sarili niyang lyrics sa Wikang Filipino.Nang mga panahong iyon ay kaibigan niya at kapwa kaguro si Bb. Adelaida Mendoza,isang napakahusay na guro sa larangan ng Ingles at Filipino.Nagpatulong siyang isalin ang liriko.”
“Ang ibig niyo pong sabihin,isinalin iyon ni Bb. Mendoza?”
“Oo,isinalin ni Bb. Mendoza sa Wikang Filipino ang awit.Iyon na ang ating kinakanta ngayon.Pero sa kabuuan,nagtulungan din naman sila sa pagsalin niyon.”
“Sino pa po pala ang isa?Di ba tatlo po sila?”
“Nang mabuo na ang liriko,nilapatan din mismo ni Gng. Bautista ng tunog pero upang mas maging maganda ay nagpatulong naman siya kay Gng. Pacencia Cabagay,isa ring mahusay na guro sa Musika.”……….
Pagkatapos niyon ay napukaw muli ang isipan ni Rico at mula sa pagkakasandal sa bintana, siya ay umalis. Kaydami pa ring mga sasakyan . At maya-maya pa ay nagsisikip na ang daan pagka’t palabas na ang mga estudyante sa paaralan,paaralang kanya ding tinutuluyan bilang pangalawang tahanan.
Ika-12 na ng tanghali.Nagugutom na siya. Aalis na siya sa pagkakaupo kasabay ng paglisan ng malaking katanungan sa kanyang isipan. Ang buhay nga ng tao ay puno ng talinghaga. Kaydaming mga taong nagpaningning ng isang bagay ng hindi nalalaman. Kaydaming mga nagbahagi ng alaala sa bayan na hindi nakilala. Ang kadakilaan ay natatamo lamang ng mga nauna,hindi ng pumangalawa o pumangatlo.
Dakila Siyang unang nakarating sa buwan at hindi ang ikalawang nakarating ni ang gumawa ng paraan upang siya’y makarating.Dakila siyang nagsimula ng gawain at hindi ang tumulong sa kanya ni ang tumapos ng gawain. Kumbaga pa sa gusali,dakila ang kisame,kwarto,makintab na hagdan,nakatiles na pundasyon,nakapintang dingding at hindi ang lupang pinagtirikan ng gusali. Dakila siyang inhenyero na nagdisenyo ng gusali at hindi ang alwaging namuhunan ng pawis upang ito’y maitayo.
Ang lahat ng ito’y pawang katotohanan sa ating buhay na hindi natin maitatatwang nangyayari kahit sa simpleng mga tao.
Sana nama’y mabigyan ng karangalan ang mga naging bahagi ng bagay na pinakikinabangan ng kasalukuyan.
Marahang humakbang si Rico at nagliwanag na ang kanyang kaisipan kasabay ng paglutang ng napakagandang ngiti sa kanyang mga labi….
Isang Milyang Pangarap
ni Marvin Ric Mendoza
Nag-ugat at sumibol dito sa aking isip
ang isang kumikinang na ginintuang panaginip
bagaman ang aking mga mata'y hindi naman nakapikit
kung kaya aking natatanaw ang kaylawak na langit.
At naroon sa itaas ang bituing maririkit
na parang pangarap at gunitang hindi mawawaglit.
Ang puso ko'y tumimo't ang bibig ko'y may naisambit,
"Ang ngayon nga ay mawawala at bukas ang papalit."
Gusto ko ngang makapagpatayo ng sariling bahay.
Nais kong makaahon sa napakahirap kong buhay.
Sana'y sa halip na bato'y ginto ang aking mahukay
at sana ri'y aking maani ang bunga ng tagumpay
upang kung saka-sakali mang ako ay mamamatay,
ang lahat ng aking pinangarap ay akin nang taglay.
Ang aking mga pangarap ay maari kong mahintay
ngunit makakamit din lang sa galaw ng aking kamay.
Kasaganaan,tagumpay at yama'y aking ambisyon,
maging tagapagtanggol at huwaran ng ating nasyon.
Ang lahat ng pangarap ko'y saan kaya paroroon
kung wala akong tagagabay at walang Panginoon.
Sa buhay ng aking kapwa'y buhay ko ang itutugon.
Mula sa pagkakadapa,ang bayan ko ay babangon
upang sa isang milyang pangarap naman ay lilingon
at upang ang sarili,huwag mabaon sa kahapon.
Sa paggising ni araw sa luklukan ng Silangan
ay simula rin ng paglalakbay na walang pagtahan
at tulad din ng aking pangarap na walang hangganan,
ang matatag na puso ay higit ko pang kailangan:
ngunit ang sarili'y kailangan ding pakaingatan
nang ang paghihirap at pagsisikap ay 'di masayang
upang kung si araw ma'y makarating na sa Kanluran,
tayo'y nakarating na rin sa ating patutunguhan....
Ang Tinig ng Laruan
ni Marvin Ric Mendoza
Bagay na hawak-hawak pa ni Nene kahapon,
anak-anakan daw niyang laging kalong-kalong.
Sa kanyang pagtulog,sa tabi niya’y naroon,
Pagsapit ng umaga’y hahanapin pagbangon.
Sa hapag-kainan mangyari’y sinusubuan,
sa pagligo ay sabay ding pinaliliguan,
pagkatapos nito’y una pang bibihisan
at saka muling pupunta sa pook-libangan.
Ang bagay na ito ay ang mumunting laruan
na sa pagkabata ay lubhang kinagiliwan,
ngunit sa paglaki ay dagling kinalimutan
na parang ang halaga ay pangkahapon lang.
Masdan mo ang laruan sa sulok ng tahanan
na kahapon ay ngumingiti at parang may buhay.
Siya’y lumuluha,tumatangis,namamanglaw.
Sa yakap ng kaibigan,siya’y nauuhaw.
Iba na’t di na hilig ni Nene ang laruan,
Pera na kasi ang higit niyang kailangan.
“Kung araw at gabi ako ay maglalaro lang,
bukas ng umaga’y kakalam ang aking tiyan”
“Kahit ilang oras lang na tayo’y maglalaro,
wala na rin kasi sa aki’y nagpapaligo.
Dati,sa akin, yakap mo ang sumusuyo
ngunit ngayo’y alikabok sa’ki’y dumarapo.
Kapag ang laruan ay makapagsasalita,
Ang sasabihin n’ya ay “maglaro tayo bata”.
Kapag ang laruan ay maaaring lumuha,
sa kaydaming buhay,kalungkutan ang babaha.
“Dati ay may ningning pa ang aking mga mata.
Ang aking mga pisngi’y lubhang napakaganda.
Sa silong ng langit tayo ay laging masaya
bagaman ang lahat niyon ay hiram lang pala.
Kaligayahan mong ituring na ako’y sa’yo
at ligaya ko rin naming ako’y iyong-iyo.
Dati’y kaydaming batang sa’yo’y naninibugho
dahil sa iyong laruan,laruan mong si ako.
Ngayong ika’y malaki na’t hilig mo’y iba na,
‘wag mo akong pabayaang laging mag-isa.
Hiling ko,kung ang silbi ko sa iyo’y tapos na,
sa munting bata naman, ako ay ipamana….”
(ang tulang ito ay lahok sa SARANGGOLA BLOG AWARDS YEAR 3)
No comments:
Post a Comment