seal

seal

January 08, 2012

HALIK NG KAAWAY

Kung anghel ang kapiling sa lupang mapanghusga,
bunga’y gumagaan ang sa puso dinadala.
Ang halik ng isang anghel sa pisnging maganda’y
Maaaring halik din ng kaaway sa iba.

Kaibigang maganda at buhay ay marangya,
ang laging niyayakap at pugad ng paghanga;
ngunit ang kaibigang sa iyo’y mahiwaga,
pagdating ng panaho’y kaaway na masama.

Sa iyong paligid ay magmasid ilang saglit.
Ituon ang mata sa bituing maririkit,
na sa tuwing gabi,bago ka man lang pumikit
sana ay halikan mo ang naglalamay na langit.

Darating ang panahon na ang langit na yao’y
hahamunin ang katangian kong tinataglay.
Ang langit na dati’y lagi kong hinahalikan,
halik ng kaaway noong ako ay gantihan!





ANG ASO SA DAAN

Asong nagtatalik sa gitna ng daan.
Asong naghahanap ng pagkain sa basurahan.
Aso at pusang naghahabulan,
Kapag nagkatao’y masasagasaan.

Kaligayahan baga nilang gumala sa lansangan
na wari’y hinahanap ang dagliang kamatayan.
O mag-ingat,o magbantay,si Kamataya’y nariyan
sa larawan ng kayhagibis at rumaragasang sasakyan.

Ang mga tao’y katulad din sila,
na sa sariling pagkamatuwid ay gumagalang mag-isa.
Sa mabato’t matinik na daa’y tumatalon-talon pa
at kapag matinik ay tatangis na mag-isa.

O pagmasdan mo ang aso sa daan,
na sa Gawain ng tao’y walang pakialam.
Kapag naisipa’y hahabulin ka kahit saan
at sat alas ng ngipin,ika’y masasaktan.

“Mag-ingat ka sa rabies”,bulong ng ospital.
“Ingatan mo ang iyong buhay”,payo ng simbahan.
Ang sabi ko, “mag-ingat ka sa asong sa iyo’y nag-aabang
pagkat ang laway lang nila ang sa’yo ay papatay!”






TALINHAGA

Busilak na pusong sa tuwina’y pinupuri
ang dapat pairalin upang di maaglahi.
Ang pusong kabiyak na ng lahat ng papuri,
ang kanyang tinitibok ay sa utak sinipi.

O ang buhay sa mundo ay tunay na kakatwa,
pagal mang kamay ay maraming nagagawa.
Ang makinis na kamay na pugad ng paghanga,
pagdating ng panaho’y pugad din ng dalita.

Ang yamang pamana lang ng magulang sa anak,
di dapat ipagmalaki’t lubhang ikagalak;
sapagkat ang mga yamang iba ang naghanap,
iba rin ang dangal na kanilang natatanggap.

Sinumang naghahanap ng mahirap makita
ay tulad ng umiiyak na wala ring luha.
Sinumang nagbabasang hindi umuunawa’y
tila humahalik lang sa paa ng dakila.

Langit na di marating kung iyo lang mamasdan,
libo mang tao’y tiyak na di makakamtan.
Ang langit na ang pangarap ko ay mahalikan;
nang aking yakapi’y isa na palang libingan.



BAKIT NGA BA?
ni Marvin R.E. Mendoza


Bakit nga ba ang panaho'y sadyang mapagbiro?
Ang araw sa aki'y tila lumalayo.
Ang oras na dati ay inihambing sa ginto,
ngayon ang kapara ay mababa pa sa tanso.

Bakit nga ba ang panaho'y tila nag-iiba?
Dati ang kabanalan ang laging nangunguna.
Ngayon ay labas na kahit sa una pang lima
na mga katangiang hinangaan ng iba.

Bakit nga ba ang tao kadalasan ay huwad?
Ang mukha sa harap,sa likuran ay baligtad.
Ang kilos na kung pagmasdan ay lubhang banayad,
palihim mong silipi't iba ang malalantad.

Bakit nga ba ang tao ay mabilis manghusga?
Naglalakad lang kahit walang sulyap sa paa.
Buka agad ang bibig sa isang kisap-mata
upang bigyang-latay ang katauhan ng iba.

Bakit ba umiikot ang mundo sa salapi?
Ang meron nito ay hanggang tenga ang ngiti.
Ang mga wala naman,ang gawai'y humikbi
'pagkat ang buhay nila'y kadalasang maikli.

Bakit ba nababago ng salapi ang tao?
Ngiging masama ang dati'y mga santo.
Ang dating nakayuko'y naging taas-noo,
ang mga bulaklak pa'y naging masamang damo.

Bakit nga ba,bakit nga ba,bakit ba ganito
ang talinhaga sa buhay nating mga tao?
Ang sinumang di susunod sa ikot ng mundo
ay matitisod sa nakasusugat na bato.




GINTONG UPUAN
ni Marvin R.E. Mendoza

Gintong upuang sa gintong bahay ang lalagyan
Malaon na't hanggang ngayo'y pinag-aagawan
Sinumang kalahok sa paligsahang unahan
Kung wala ring salapi'y walang lulugaran.

May mga taong ang kamay daw ay nakalaan
sa pagtulong sa kaawa-awang mamamayan.
Panay ang pagkilos,larawan ng kabaitan
ngunit ang katotohana'y kabalintunaan.

Sa gintong upuan sakaling makaupo na,
daig pa ang larawan ng hari at reyna.
Sa pagbuka ng bibig,sa pagkilos ng mata,
tila nakalimutang may utang s'ya sa iba.

Ang bagay na ito na aking kinamulatan
mangyari ay akin na ring kinamumuhian.
Ang lahat ng umuupo sa gintong upuan
ay dapat na piliin at marapat husgahan.

Sa ating baya'y napakaraming dayo
pagdating sa pag-upo sa mamahaling trono.
Ang ugaling ito ba'y atin lamang hinango
o nag-ugat nga sa lahi nating Pilipino?




Isang tula para kay TANDANG SORA


Noo'y matandang kulu-kulubot na ang balat.
Nanirahang mag-isa sa kapayapaan
kapiling ang binungkal na lupain.
Doo'y sumibol ang pagmamahal
na nag-aruga sa mapag-alyansang keru-kerubin
ng kolonyang mapang-abuso.
Pinatuloy niya ang mga anak-pawis
at niyakap sa bisig na marurupok na
dahil sa mga ugat na kumakalat sa buong katawan.
Hindi nag-alinlangang pakainin at painumin
ang mga asong ulol at pusang pusali,
ni hindi dinapuan ng takot
na mataob ang kaldero't maisaing ang sariling buhay.
May tapang na inaruga ang kaaway ng mga kaaway
at kakampi ng mga kaaway ng kaaway.
Mapagtimpi...
mapagkandili...
mapagmahal...
mapagtanggol...
matapat sa bayan...sa pangako sa bayan.
Dinakip...
pinarusahan...
isinilid sa kalawanging bakal ng kalungkutan at paghihirap.
Ipinahalik sa paanan ng kalbaryo.
SUBALIT!!!!
hindi natinag...
hindi tumaliwas...
hindi nagsisi sa pagtulong sa lihitimong anak ng bayan.
Itinapon...
inilayo sa pamilya...
sa likod ng katandaan.
SUBALIT!!!!
hindi natinag...
hindi tumaliwas...
hindi nagsisi sa pagtulong sa mga tunay na anak ng bayan.
Ibinalik sa lupa ng sariling bayan.
Natuwa.
Nagalak.
Lumaya ang uugod-ugod na matanda.
Matandang tandang-tanda ng buong bansa
Matandang...........
Ina ng Katipunan...
Ina ng Demokrasya...
Ina ng Mga anak ni PILIPINAS...
Si TANDANG SORA,
siya nga ay bayani
at ina ng ating kalayaan...
Melchora Aquino...
ang mahalagang hiyas ng Poong Maykapal!