seal

seal

September 10, 2011

DAPIT-HAPON


DAPIT-HAPON
ni: Marvin Ric Mendoza

Isang dapit-hapong madilim ang langit
Puno ng pangamba itong aking isip
Ang aking paligid ay lubhang tahimik
Habang si dilim ay marahang sumapit.

Sa dagat,si araw ay nagkulay pula
Simbolo ng paalam sa sinisinta
Ang liwanag sa bayan ay aalis na 
Kung kaya nakahanda ang bawat isa.

Itong si gabi naman ay lalatag na
Tinatakpan ang pangit man o maganda
Kahit maaagap at masisipag pa
Pagdilim ng langit ay namamahinga.

Sa pagpinid ng bintana’y natanaw ko
Ang isang kandilang may sinisimbolo
Pinag-iisip ko at pinagtatanto
Kung ano ang halaga sa’king puso.

Madilim ang gabi’t walang maririnig
Maliban sa awit ng mga kuliglig
Ang simoy ng hangin ay sadyang kaylamig
Habang naghahatid ng magandang himig.

Habang hinihintay ang bukang-liwayway
Naisip ko na ang gabi ay kaytagal
Sa dilim ng gabi’y kayraming pinaslang
Pagpikit ng mata’y kayraming namatay.

Bukas ay sisikat na muli ang araw
Subalit tiyak kong ako’y mamamanglaw
Ang kandilang kagabi’y aking namasdan
May pag-asa pa bang muling matatanaw?

Sa silangan, si araw ay namumuhunan
At sa kanluran naman namamaalam
Kaya ang taong lupa ang sinibulan
Ay tiyak na may langit ding makakamtan.

Ang nais ko sana’y laging maliwanag
Laging ilaw ang mababanaag
Ako’y kurus na sa lupa’y humahalik
At lumuluhod sa gintong mga tinik.

Ang umagang kayganda’y muling lilipas
At isang dapit-hapon ‘yong mamamalas
Sa bagay na’to’y walang makaiiwas
‘pagkat ang Diyos natin ang s’yang nagsabatas.

Kaya iyong masdan itong aking palad
Ang kapalaran ko ay dito nakasulat
Ang karangalang sa aki’y igagawad
Marahil sa hukay ko na matatanggap.

Ang katawan ko’y sa lupa ililibing
Sakaling dapit-hapon sa’ki’y darating
Ngunit ang buhay ko’y magiging bituin
Na sa taas ng langit ay magniningning.

Ang lahat ng buhay ay may dapit-hapon
Ang mga gunita’y ating tinitipon
Kung sakaling bukas ay ‘di na babangon
Tayo’y kandilang sa kamay na ng Poon..


September 01, 2011

Mabuhay Ka, Lebak

Mabuhay Ka, Lebak
(Lebak Hymn)
-lyrics and music by Celestina P. Bautista
-official Municipal Song (approved May 1997)


Ito’y awit na papuri
Handog sa aking bayan;
                Mapang-akit ang tanawin
                Tigib ng kasiyahan.

Bundok, parang, batis, ilog
Lawa at karagatan
                Nagdudulot ng ligaya
                Pagsapit ng anihan.

Refrain:
                Bukang bibig ng dayuhan
                Ang yaman mo’t kagandahan;
                Kahit saan at kailanma’y
                Mahirap kang mapantayan.

Dukha man o mariwasa’y
Pantay ang pagtinginan
                Balikatan, magkaakbay
                Patungo sa kaunlaran.

Nais kong manatili kang
Payapa aking bayan;
                Hangad ng mga ninuno’y
                Ligtas ka sa alitan.

(Repeat refrain)

Mga taong bayan, itong
Awit sana’y pakinggan;
                Likha sa kaibuturan
                Ng puso’t kaisipan.

Paunlarin, kapakana’t
Puri’t pangalagaan,
                Mamahalin itong baying
                Lebak ang siyang pangalan.

(Repeat refrain)

Coda:
                Mabuhay ka, Lebak hirang.

August 28, 2011

WELCOME

WELCOME!!!
Amare Est Servire (to love is to serve)
Lebakeño ka ba? May alam ka ba sa sinaunang panitikan ng Lebak(e.g. Legends, Myths, Epics, Poems, Songs)? May mga akda ka bang nais mong ilabas?
...
Well, welcome po kayong i-share ito...^^ 
God bless Lebak...

Contributions

For those who want to contribute to this page, please email me:
lebaksultankudarat@ymail.com
davidhostallero@yahoo.com

I'll add you as an Author.^^

For contributions:
*Any language is allowed as long as it is being used in Lebak (Filipino, English, Hiligaynon, Ilocano, Visayan, Maguindanaon, Manobo, Teduray or Tiruray, etc.)
*Foreign languages other than English are not allowed
*Blasphemous works are not allowed
*Copied works are not allowed