seal

seal

December 01, 2011

SALAMAT MAAM (para sa aking guro F.J.)

Maam...Salamat sa iyong pang-unawa at ang munti kong isipan ay iyong kinahabagan.
Salamat sa pag-ibig na sa aki'y pinaramdam.
Ang aking pusong nasa bingit na ng pag-aalangan
ay pinatikim mo ng tamis ng iyong pagmamahal.

Maam...Salamat sa iyong mabubuting itinuro
at ang halaga ng aking buhay ay aking napagtanto.
Salamat sa pagkakataong ika'y aking makapiling
sa araw ng pighati at aking paninimdim.

Maam...salamat sa iyong payo
na naghatid sa akin sa landas ng paraiso.
Ang buhay kong minsan nang maalikabok na larawan,
gamit ang palad mo ay iyong nilinisan.

Maam...salamat sa mga salitang humubog sa akin
na nagbigay ng pag-asang ang katotohana'y aking tuklasin.
Hindi ko maitatatwang ako'y tao man din
na palaging mali at kadalasa'y nahuhuli sa karera ng magaling.

Maam...salamat sa pagtulong na ako'y makaahon
sa hirap at lungkot ng aking kahapon.
Sa hiwaga ng iyong itinurong IKALAWANG PAGKAKATAON,
tunay ka ngang huwarang guro sa lahat ng panahon.

Pagdating ng panahong ako'y katulad mo na
asahan mong babaunin ko ang iyong ipinamana.
Ang tulong mo na sa katauhan ko'y nagpaganda
asahan mong mamanahin naman ng iba.

Maam...salamat po minsan pa
at pagpapalain ka nawa ng POONG DAKILA
na sa ati'y lumikha...



Dakila rin AKO

Hay naku..narito na naman ang nagmamadaling panahon.Wala na halos napababayaang oras pero iba naman ang napababayaan...kung hindi pamilya eh sariling kapakanan.Basta lang makahanap ng pera kahit walang mata ay pinipilit na makakita.Kahit walang naririnig ay oo na lang sa nagtatanong.Parang walang mga hindi naiintindihan.Sino ba ang mag-aakalang maaaring mauhaw ang tigang na lupa?Sino ang magbabakasakaling tanungin ang kahapon?Sino ang magtatangkang suungin ang madilim na kweba ng nag-iisa?Sa palagay ko nga ay wala.Kahit ako marahil...tao rin ako...kadalasa'y nadarapa..natatakot...kadalasa'y nagkakamali...kadalasa'y napagkakamalang walang halaga.
At least tao pa rin ako.Hindi pa ako naiiba kay Jose Corazon de Jesus.Maaaring maging larawan o anino niya ako sa kasalukuyang panahon.Kunsabagay ay may maibubuga rin naman ako.Hindi nga lang kasintindi ng naibuga ni Dr. Jose Rizal.Pero pwede pa rin ako mapabilang sa sinasabing..."walang Pangalan ang maraming dakila"....




wala lang daw..

Ang sabi nila...talagang ganito sa mundo,kung wala kang pera eh wala kang tinig...paos ka...garalgal ang tinig...walang kalatuy-latoy. Mahirap nga naman sa mundo ang mabuhay na ang tinatapakan mong lupa ay pagmamay-ari na rin ng iba...akala ko dati malaya sa mundo.Kahit ano ay maaari kong gawin,subalit ngayong ang isipan ko'y nagkabagwis na,tila nawala na ang kalayaang hindi ko pinahalagahan noon.Sa aking minsang paglalakad ay natinik ako ng napakalalim bagaman hindi naman ako matuling maglakad.Ang oras sa aking relos ay tila umaatras dahil ang panahong aking pinakahihintay ay tila lumalayo.Ang pag-asang nagpatatag sa akin ay nawawalan na ng katingkaran.Puno na ako ngayon ng mga alikabok ng kawalang malay sa mundo.Ang gunita ko'y unti-unting nalulusaw ng karalitaan.Nabahiran na ng pag-aalangan ang puso kong dati-rati'y kumikinang na diamante ng aking buhay..
Ano na ako bukas? ano na ako sa susunod na henerasyon. Ang tanging naiaambag ko ay ang sariling paninindigan na ako ay di dapat padaig sa kasamaan at pagkahuwad ng sandaigdigan.Sino ang makaaalala ng munti kong handog sa aking sariling bayan.Hindi ko magiging katulad si Gat Jose Rizal...si Andres Bonifacio...Si Huseng Batute...Si Huseng Sisiw...si Crispin Pinagpala...si Kuntil-butil...si Ilaw-silangan....oo hindi ko sila mapapantayan....sapagkat nauna na sila.Nahuli na ako sa kanila.Mababa na ang antas ng aking kakayanan.Wala na akong maipapantay sa kanila.Pero sa kabila ng lahat ng iyan...Ako..ako...si Pluma Batikos...si Anak-pawis...si Elyas amor magsulat...si Ilaw-dagitab...Si Makario Roy Magsulat...oo...ako...akong si Marvin Ric Mendoza na nananahan sa mundong umiikot ng mabilis...na merong facebook...na merong twitter...blogger at iba pa.Ako ay isang taong kahit papano'y may nagagawa rin sa kaunlaran ng aking INANG BAYAN....

(Ito'y pawang likha ni Marvin Ric Mendoza)